Thursday, March 28, 2013

PILIPINAS

P-ulong inaangkin at kinakamkam ng mga dayuhan noon pa.
I-nggit sa siksik, liglig at umaapaw na likas yaman mo sinta.
L-awa,ilog,dagat,bundok,bukid,kaparangan,gubat at iba pa.
I-pinagkaloob ng poong maykapal sa iyo inang maharlika.
P-anata namin na iyong mga anak na babantayan ka.
I-pagtatanggol sa mga mananakop habang may hininga.
N-agkakaisa ang aming layunin, mayaman man o maralita.
A-dhikaing hindi malulusaw ng kapangyarihan at pwersa.
S-ama-sama kaming lalaban para sa ikaluluwalhati mo ina.

Lupang Iniirog


Binayo ng kamay at dinilig ng pawis,
pinayabong ng sakripisyo't pagtitiis.
Masusing hinubog ng galak at pagtangis;
may makain lang itong bayang tumatangis.

Mga anak mo ang katawan ay sobrang pata.
Halos maghingalo kanilang kaluluwa.
Lahat ng mga ito ay hindi alintana;
basta ang pagal ay magkaroon ng bunga.

Kasiping itong hangin at bughaw na langit,
ang musika ay mga ibong nagsisiawit.
Puno, damo, putik at bundok na marikit;
larawan mo sa isip hindi mawawaglit.

Isinilang sa iyong tapat na kanlungan,
yaring hininga'y sa'yo nais malagutan.
Ikaw ang kapiling tag-araw o tag-ulan.
Kabiyak ka ng puso inang kabukiran.

PROM


Sa gabing ito sumapit na ang huling sayaw,
iyong mga paa't kamay ay iba pa rin ang kaulayaw.
Sa bawat pag-indayog nakasunod ang tanaw,
bibig ay nakatikom subalit dibdib ay humihiyaw.

Pinapalakas ang loob na nilalamon ng kaba,
tanong sa sarili kung hindi ngayon, kailan pa?
Ilang buwan na lamang na magsasama;
ayaw gugulin ng may pait mga araw na natitira.

Kaya't tumayo sa matagal na pagkakaupo,
inyong kinalalagyan ay dagliang tinungo.
Kaklase natin na iyong kasayaw ako'y nakisuyo,
kung maaari ako'y humalili sa pagsayaw sa'yo.

Buti'y pinabigyan, salamat sa mahabaging langit.
Binati ka, sagot ay ngiti at tingin na malagkit.
Humawak sa iyong kamay at sa bewang ay kumapit;
mga katawan ay sumusunod sa matamis na awit.

Habang nakatitig sa iyong maamong mukha,
umuusal ng panalangin sa amang lumikha.
Kung nagsasayaw ang ating mga katawang lupa;
nawa'y umindayog din ating mga puso't kaluluwa.

Dalita

Kung nakakapagsalita lang ang lupa,
siya'y maghuhumiyaw ng pagkaawa.
Dinidilig ng dugo ang kanyang mukha.
Yinayapos ng katawang maralita.

Piping saksi sa pasakit, pagtitis.
Nakikinig sa mga awit ng pagtangis.
Paraiso ng mga kaluluwang lihis,
kanilang mga luha doon nagkikiskis.

Kaniig ay mga tiyan na walang laman,
mga diwang tinakasan ng katinuan.
mga pagkataong salat sa karangyaan,
hinihintay may pait na kamatayan.





Awit ng isang Ada


Hihintayin kita doon sa may gitna ng batis,
kung saan nagtatagpo ang pait at tamis.
Ang aking puso'y nasasabik nang labis,
at yaring kaluluwa ay hindi na makatiis.


Ako ay bumubulong sa kaibigang hangin,
mga usal ng pagsinta'y iyo nawang dinggin.
Maghihintay kahit lipos ng panimdim.

Hindi matitinag sumapit man ang takipsilim.

Salamat kay bathala ikaw ay dumating.
Tila sinagot na niya ang aking hiling.
Tinanong kita kung nais mo akong makapiling,
ang sagot mo ay malungkot na iling.

Ang dibdib ko ay parang kastilyong nawasak,
sapagkat ayaw mo akong maging kabiyak.
May lungkot man at luha'y patuloy sa pagpatak,
kagustuha't kasiyahan mo pa rin ang nasa utak.

Ako ay iwanan mo na aking sinisinta,
Huwag kang titigil sa paglakad at wag madapa.
Huwag ka na muli sanang lilingon pa,
sapagkat pang habambuhay kang mawawala.

Kung iyong napagtanto na ang tamang daan,
at magising na sa nahimbing na katotohan.
Nais kong ikintal sa iyong puso at isipan,
aking puso'y titibok para sa'yo magpakailanman.