Thursday, March 28, 2013

PROM


Sa gabing ito sumapit na ang huling sayaw,
iyong mga paa't kamay ay iba pa rin ang kaulayaw.
Sa bawat pag-indayog nakasunod ang tanaw,
bibig ay nakatikom subalit dibdib ay humihiyaw.

Pinapalakas ang loob na nilalamon ng kaba,
tanong sa sarili kung hindi ngayon, kailan pa?
Ilang buwan na lamang na magsasama;
ayaw gugulin ng may pait mga araw na natitira.

Kaya't tumayo sa matagal na pagkakaupo,
inyong kinalalagyan ay dagliang tinungo.
Kaklase natin na iyong kasayaw ako'y nakisuyo,
kung maaari ako'y humalili sa pagsayaw sa'yo.

Buti'y pinabigyan, salamat sa mahabaging langit.
Binati ka, sagot ay ngiti at tingin na malagkit.
Humawak sa iyong kamay at sa bewang ay kumapit;
mga katawan ay sumusunod sa matamis na awit.

Habang nakatitig sa iyong maamong mukha,
umuusal ng panalangin sa amang lumikha.
Kung nagsasayaw ang ating mga katawang lupa;
nawa'y umindayog din ating mga puso't kaluluwa.

No comments:

Post a Comment