Saturday, May 12, 2012

Kapitbahay


Ang aking kapitbahay may sikretong
taglay, kinikilos ay kakatwa.
Palagiang sarado ang kanyang pinto at
bintana.
Sa gabi lamang siya lumalabas,
at nagkukulong naman sa umaga.
Makakaulinig ako sa kanyang bahay
ng mga kalabog.
Kaya naman ako ay hindi makatulog.
May mga usal ng paghahangad
at mga pangarap.
Yan ang mga naririnig ko kapag
siya ay nagdarasal.
Minsan naman ako ako ay nabibingi
sa katahimikan,
mukhang ang kapitbahay ko ay
wala sa kanyang tahanan.
Kaya ako ay bumuo ng plano,
pag labas nang aking kapitbahay
siya ay susundan ko.
upang  malaman kanyang sikreto.
Ang kapitbahay ko ay kay tulin maglakad,
halos wala kang madinig
na mga yabag.
Sa kabilang kanto siya dadaan,
doon ko siya nasipat.
Kaya sa madaling sabi ako ay nagshorcut
upang siya ay aking masabat.
Sunod na tagpo siya'y aking nadali,
siya ay aking nasakote.
Ako ay nag-alinglangan ng kaunti.
sapagkat mukha ay may tabing,
kita lamang ang mga labi.
Hindi siya sumagot nang aking
siyang tinawag.
Nais ko sana siyang makadaop-palad.
Hindi din siya kumikilos,
para siya isang estatwa.
Kaya ako ay lumapit na sa kanya.
Inalis ko ang tabing sa kanyang mukha.
Napasigaw  ako nang alisin
ang tabing, sapagkat  sa sarili
kong mukha ako nakatingin.


Thursday, May 10, 2012

Sundo


            Pasado alas dose nang walang puknat sa pagtahol ang alagang aso nila aling Letty. Hindi na matiis ng huli ang nililikhang ingay ng kanilang aso, kaya agad itong nagbukas ng ilaw sa tarangkahan upang silipin sa bintana at sawayin ito. " Ay, naku naman bantay baka naman magasgas na iyang lalamunan sa kakatahol mo. Ang dami nang natutulog na kapitbahay,  pati ako ay nagising sa pag-iingay mo!"

            Patuloy parin sa pagtahol si bantay, kaya napilitan si aling Letty na  labasin na ito. Pagkabukas pa lamang niya ng pinto ay nakaulinig ito ng sigaw. "Inang,inang,inang!" Si Jovit, nag-iisang anak ni aling Letty. Humahangos ito, naghuhumiyaw at tinatawag ang kanyang ina,. "Susmaryosep naman Jovit, kaya naman pala ayaw papigil nitong si bantay nakita at sinasalubong ka. Bakit ka ba humahangos at nagsisigaw?"

            "Nasaan ang ama mo at bakit hindi mo kasama?" Pangambang pagtatanong niya. 
" Iyon nga po inang ang aking inuwi upang sunduin kayo. Kasi si amang ay nasa ospital sa bayan. Pauwi na po sana kami upang gumarahe na. Mayroon pong nakisakay na dalawang lalaki, ang isa po ay may katandaan na kaya napilitan na isakay ni amang ang dalawa. Hindi pa kami nakakalayo ay nagpahayag ang dalawang lalaki ng holdap, kaya agad po na pinahinto ni amang ang jeep. Inatake po sa puso si amang at nawalan po ito ng malay. Isinugod ko po siya sa ospital. Pero sa tingin ko po ay maayos naman ang amang " salaysay ni Jovit sa kanyang ina.

            "Mahabaging Diyos, Ano pa ang nangyari?'' tanong ni niya sa anak. "Mamaya na lang po inang at kailangan na natin pumunta ng bayan, hinihintay po tayo ni amang sa ospital. Magdala na lang po kayo ng pera, mga personal na gamit at damit ni amang. May pagmamadaling yaya ni Jovit.

            "A  sige, sandali lang at iaayos ko na ang lahat. Pati ikaw ay ipagbabaon ko na ng damit baka tayo ay magtagal doon sa ospital" Pag-aalala nito. " Huwag na po inang at makakaabala pa iyon sa ating dalahin; mga gamit na lamang po ni amang ang iyong impake." Inayos na ni aling Letty ang mga gamit na umiiyak at nagtataka.

            Paglabas ng mag-ina sa tarangkahan ay pumara na si aling Letty ng tricycle. "Jovit , mag-backride ka na lang at napalaki yata itong nadala kong bag na lagayan ng gamit ng amang mo."

            "Saan po tayo?" bulalas ng driver. "Sa bayan tayo, sa San Jose General Hospital."

            Pagkalipas ng labinlimang minuto ay narating nila ang ospital. "Itong bayad, dalawa kami."

.           " Bakit po dalawa? Kayo lang naman po ang aking sakay."

            "Ay naku talaga itong si Jovit, akala ko ay umangkas na. Baka siguro napagod at inantok na kaya hindi na sumama. Di bale, ito ang bayad."

            Nagmamadaling bumaba ng tricycle si aling Letty at pagpasok niya nang ospital ay kanyang namataan ang kanilang jeep na nakaparada sa harapan nito. Agad niya na tinungo ang information area upang itanong kung nasaan ang kanyang kabiyak. " Miss, itanong ko lang kung may pasyente kayo na Freddie Onayon?" May luhang pagtatanong ni aling Letty.
            " Ah opo, kanina po ay nasa emergency room siya. Pero dinala na po siya sa room number 16. Puntahan nyo na lamang po siya doon. Sa second floor po. Pagkaliwa nyo sa pasilyo naroon ang hagdanan.:"

                Pinuntahan na niya ang kwarto ng kanyang mister. Nagkataon naman naabutan niya ang doktor na kakalabas lamang ng kwarto. Kaya nagkaroon ng pagkakataon na kausapin niya ito. "Doc, ako po ang asawa ng pasyente. Ano na po kanyang lagay?"
Paiyak nitong tanong.

            "Misis, maayos na po ang lagay ng inyong mister. Mabuti po at nadala kaagad siya ng ospital. Pasalamat po tayo sa inyong anak. Subalit lakasan nyo po ang inyong loob. Ikinalulungkot ko po na sabihin na wala na po ang inyong anak. Ginawa po namin ang lahat para i-revive sya. Maraming dugo ang nawala sa kanya dulot ng saksak na kanyang natamo. Ngunit sa kabila nito ay nakuha niya na i-drive ang inyong sasakyan upang dalhin dito ang inyong mister. Kahangahanga po ang inyong anak."

            Sa pagkadinig niya sa masamang balita ay humagulhol ito ng iyak at napaluhod.

            " Anak, kay saklap naman ng iyong sinapit. Mahirap man na tanggapin at kay sakit. Nagpapasalamat ako sa iyo anak inalay mo ang buhay mo para sa kaligtasan ng iyong ama. Dakila ang iyong pagmamahal. Mahal na mahal ka namin ng amang mo anak.. Sa mga gumawa sa iyo nito, bahala na ang mahabaging langit!  Salamat sa iyong pagsundo."

Wednesday, May 9, 2012

PILIPINAS ( Isang kaluluwang ligaw )




Naglaho na ang glorya na iyong angkin,
sinaid ng siphayo, pagdurusa't panimdim.
Sa kuko ng kahirapan, ikaw ay napailalim.
Sugatan ang iyong puso, handa ka ng ilibing.

Katawan mo ay inuuod ng mga kasakiman.
Mag-isa ka sa hukay wala man lamang nakiramay.
Noon nga na ikaw ay malakas pa at buhay,
wala kang pakundangan na babuyi't pahirapan.

Ang nais mong kalayaan inukit lang sa libro.
Isinusuot ang maskara tuwing sasapit ang Hunyo,
subalit ang lahat ay isa lamang pagbabalatkayo.
Hindi ka nakahulagpos sa pangil ng pagkabigo.

Iyong mga anak ang sila sa'yo ay nagmalupit.
Hindi ka nila inaruga, hindi ka nila inibig.
Inuna ang sarili at isinarado kanilang pandinig;
sa mga impit mong panaghoy walang nakaulinig.

Inang bayan tuluyan ka nang naligaw,
walang kaulayaw sa malamig mong himlayan.

Tanaga ni Ama at Ina


Saan kana napadpad?
sa buhay na madawag.
Payo nami'y di tanggap,
di siniksik sa utak.

Imbis ika'y nag-aral,
lakwatsa ang umiral.
Bisyo ay pinaandar,
kamalia'y minahal.

Dapat mong mapagtanto,
aming mga sakripisyo.
Lahat ito'y naglaho,
kami'y iyong tinalo.

Ikaw ay kinausap,
upang sayo'y imulat.
Ikaw ay nagmatigas,
sagot ay paglalayas.

Lumipas ang mga taon,
ika'y aming natunton.
Kami ay sinalubong,
ng grabeng konsumisyon.

Hindi nakapagtapos,
Sa buhay ay hikahos.
Ang buhay pinaikot,
sa putik ay nalunod.



Awit ng Hacienda


Binungkal ang lupang lipos ng ligalig,
bumulwak ang dugo't mga impit na tinig.
May piring ang mata,
may busal ang bibig.
Umani ng siphayo at pagkalupig.

Sagad hanggang buto ang paghihirap,
pantay na karapatan sa kanila'y mailap.
Kailan kaya nila malalasap?
Ang ipinagkakait na alapaap.

Palay ang siyang piping saksi,
sa pagbaha ng napakaraming mga labi.
Mapait na tadhana ang sa kanila'y isinukli,
tigib ng kalungkutan at pagkasawi.

Walang nakikinig sa kanilang hinaing.
Walang tumatalima't kumikiling.
Kanilang sumasagitsit na mga daing,
kanila na lamang babaunin sa libing.

Kaawaan nawa ng mahabaging langit.
Kanilang ipinaglalaban ay makamit!

Ritmo ng puso at isip

Gaano ka kabilis mag-isip?
Paglaruan sa diwa ang mga titik.
Parang bukal umaapaw, liglig.
Walang mapagsidlan, walang patid.

Sandata mo ay utak at pluma,
upang nais mo'y matalos ng madla.
Sa ganitong istilo mo nakikita;
upang buksan mga saradong diwa.

Ikaw ang panday ng iyong baluti.
Kalasag mo ay pangintindi.
Mga paraan mo ay katangitangi.
Magsulat ka pa hanggang sa huli!

Makata ka man o manunulat,
katotohanan ay iyong isiwalat.
Sa alapaap ikaw ay lumipad;
ipagaspas ang bagwis ng panulat.

Ituloy ang ritmo ng puso't isip,
sa kanilang kaluluwa'y ikintal, iukit.
Paghugutan ng loob Amang nasa langit;
upang mga likha may saysay, marikit!