Binungkal ang lupang lipos ng ligalig,
bumulwak ang dugo't mga impit na tinig.
May piring ang mata,may busal ang bibig.
Umani ng siphayo at pagkalupig.
Sagad hanggang buto ang paghihirap,
pantay na karapatan sa kanila'y mailap.
Kailan kaya nila malalasap?
Ang ipinagkakait na alapaap.
Palay ang siyang piping saksi,
sa pagbaha ng napakaraming mga labi.
Mapait na tadhana ang sa kanila'y isinukli,
tigib ng kalungkutan at pagkasawi.
Walang nakikinig sa kanilang hinaing.
Walang tumatalima't kumikiling.
Kanilang sumasagitsit na mga daing,
kanila na lamang babaunin sa libing.
Kaawaan nawa ng mahabaging langit.
Kanilang ipinaglalaban ay makamit!
No comments:
Post a Comment