Pasado alas dose nang walang puknat sa pagtahol ang alagang
aso nila aling Letty. Hindi na matiis ng huli ang nililikhang ingay ng kanilang
aso, kaya agad itong nagbukas ng ilaw sa tarangkahan upang silipin sa bintana
at sawayin ito. " Ay, naku naman bantay baka naman magasgas na iyang
lalamunan sa kakatahol mo. Ang dami nang natutulog na kapitbahay, pati ako ay nagising sa pag-iingay mo!"
Patuloy
parin sa pagtahol si bantay, kaya napilitan si aling Letty na labasin na ito. Pagkabukas pa lamang niya ng
pinto ay nakaulinig ito ng sigaw. "Inang,inang,inang!" Si Jovit,
nag-iisang anak ni aling Letty. Humahangos ito, naghuhumiyaw at tinatawag ang
kanyang ina,. "Susmaryosep naman Jovit, kaya naman pala ayaw papigil
nitong si bantay nakita at sinasalubong ka. Bakit ka ba humahangos at
nagsisigaw?"
"Nasaan
ang ama mo at bakit hindi mo kasama?" Pangambang pagtatanong niya.
"
Iyon nga po inang ang aking inuwi upang sunduin kayo. Kasi si amang ay nasa
ospital sa bayan. Pauwi na po sana kami upang gumarahe na. Mayroon pong
nakisakay na dalawang lalaki, ang isa po ay may katandaan na kaya napilitan na
isakay ni amang ang dalawa. Hindi pa kami nakakalayo ay nagpahayag ang dalawang
lalaki ng holdap, kaya agad po na pinahinto ni amang ang jeep. Inatake po sa
puso si amang at nawalan po ito ng malay. Isinugod ko po siya sa ospital. Pero
sa tingin ko po ay maayos naman ang amang " salaysay ni Jovit sa kanyang
ina.
"Mahabaging
Diyos, Ano pa ang nangyari?'' tanong ni niya sa anak. "Mamaya na lang po
inang at kailangan na natin pumunta ng bayan, hinihintay po tayo ni amang sa
ospital. Magdala na lang po kayo ng pera, mga personal na gamit at damit ni
amang. May pagmamadaling yaya ni Jovit.
"A sige, sandali lang at iaayos ko na ang lahat.
Pati ikaw ay ipagbabaon ko na ng damit baka tayo ay magtagal doon sa
ospital" Pag-aalala nito. " Huwag na po inang at makakaabala pa iyon
sa ating dalahin; mga gamit na lamang po ni amang ang iyong impake." Inayos
na ni aling Letty ang mga gamit na umiiyak at nagtataka.
Paglabas
ng mag-ina sa tarangkahan ay pumara na si aling Letty ng tricycle. "Jovit
, mag-backride ka na lang at napalaki yata itong nadala kong bag na lagayan ng
gamit ng amang mo."
"Saan
po tayo?" bulalas ng driver. "Sa bayan tayo, sa San Jose General
Hospital."
Pagkalipas
ng labinlimang minuto ay narating nila ang ospital. "Itong bayad, dalawa
kami."
. "
Bakit po dalawa? Kayo lang naman po ang aking sakay."
"Ay
naku talaga itong si Jovit, akala ko ay umangkas na. Baka siguro napagod at
inantok na kaya hindi na sumama. Di bale, ito ang bayad."
Nagmamadaling
bumaba ng tricycle si aling Letty at pagpasok niya nang ospital ay kanyang
namataan ang kanilang jeep na nakaparada sa harapan nito. Agad niya na tinungo
ang information area upang itanong kung nasaan ang kanyang kabiyak. "
Miss, itanong ko lang kung may pasyente kayo na Freddie Onayon?" May
luhang pagtatanong ni aling Letty.
"
Ah opo, kanina po ay nasa emergency room siya. Pero dinala na po siya sa room
number 16. Puntahan nyo na lamang po siya doon. Sa second floor po. Pagkaliwa
nyo sa pasilyo naroon ang hagdanan.:"
Pinuntahan na niya
ang kwarto ng kanyang mister. Nagkataon naman naabutan niya ang doktor na
kakalabas lamang ng kwarto. Kaya nagkaroon ng pagkakataon na kausapin niya ito.
"Doc, ako po ang asawa ng pasyente. Ano na po kanyang lagay?"
Paiyak
nitong tanong.
"Misis,
maayos na po ang lagay ng inyong mister. Mabuti po at nadala kaagad siya ng
ospital. Pasalamat po tayo sa inyong anak. Subalit lakasan nyo po ang inyong
loob. Ikinalulungkot ko po na sabihin na wala na po ang inyong anak. Ginawa po
namin ang lahat para i-revive sya. Maraming dugo ang nawala sa kanya dulot ng saksak na kanyang natamo. Ngunit sa kabila nito ay nakuha niya na i-drive ang inyong
sasakyan upang dalhin dito ang inyong mister. Kahangahanga po ang inyong
anak."
Sa
pagkadinig niya sa masamang balita ay humagulhol ito ng iyak at napaluhod.
"
Anak, kay saklap naman ng iyong sinapit. Mahirap man na tanggapin at kay sakit.
Nagpapasalamat ako sa iyo anak inalay mo ang buhay mo para sa kaligtasan ng
iyong ama. Dakila ang iyong pagmamahal. Mahal na mahal ka namin ng amang mo
anak.. Sa mga gumawa sa iyo nito, bahala na ang mahabaging langit! Salamat sa iyong pagsundo."