Monday, April 29, 2013

Doble Kara

Mukhang pinintahan ng huwad na ngiti,
pilit ikinukubli ang sakit at hapdi.
Mukha'y nagsuot ng maskarang nakatawa,
subalit kaluluwa ay lumuluha.
Kay sigla sa piling ng karamihan.
Kapag nag iisa, sa buhay nahihirapan.

Sariling krus ay matiyang pinapasan,
kasaguta'y naglalaho sa kawalan.
Nagiging bulag sa taimtim na pagmumuni,
nagiging bingi di marinig ang sarili.
Pilit tinatalikuran itong pagbabata,
hinahapuhap tunay na magpapaligaya.

Samahan nawa ng amang lumikha,
nang malusaw itong problema.
Dasal ay ibinubulong sa hanging dumadaan,
nawa'y ihatid doon sa kalangitan.
Walang humpay na magpupuri.
Hanggang ang kasawian ay magapi.

Friday, April 26, 2013

Sigwa

Mahirap pigilan ang bangis ng kalikasan,
umuugong na hangin at malakas na ulan.
Namumuo ang pangamba sa ating isipan,
sa tuwing sila ay nananalanta na naman.

Hindi lamang takot ang kanilang hatid,
kundi matinding pighati at pagkaligalig.
Sa tuwing lalamunin ng malalim na tubig,
ating mga kalsada,tahanan at mga bukid.

Lalo lamang umaalab ang hapdi at kirot,
kapag may buhay na nautas dahil nalunod.
Nawalan ng tahanan ng dahil sa unos,
Napinsala ang kabuhayan dahil lumubog.

Umusal tayo ng dasal sa mahabaging langit.
Nawa ating malagpasan ang kanilang bagsik.
Ikintal lamang lagi sa ating mga puso at isip,
na may poong maykapal na sa ati'y didinig.

Panaginip

Isama mo ako hangin ng panaginip,
sa iyong paglalakbay ako ay kakapit.
Sabay tayong aawit ng iisang himig,
patungo sa tinatago mong daigdig.

Habang sansinukob sa dilim nabalot.
Iugoy mo ako sa malamig na hamog.
Mapagkandili ka sa katawang pagod,
Sa haba ng dilim sa iyo malulugmok.

Pagkadatal ng liwanag nitong umaga,
magwawalay mga landas natin muna.
Subalit pagkagat ng dilim aking ada.
Dalawin mo ako, sa iyo ako'y sasama.

DAMASO dos

Mga nilalang na hindi marunong magbilang,
bumubula ang bibig subalit taenga ay may takip.
Kunukubli sa sermon ang totoong may hatid;
ng kahirapan,gutom,kamatayan ng mga kababaihang ligalig.

Mahika ay panlalansing,panakot lugar na mainit.
Kaluluwa ay hindi makakatongtong ng langit.
Sino kaya talaga ang siyang makakarating?
Taong pinagkaitan ng katotohan o siyang nagwaglit?

Kay galing-galing na kung makapagpahayag,
kapag dumami na hindi mapakain sa palad.
Kapag may nangyaring sakuna at kalamidad;
Sila ay nagtatago na sa kani-kanilang mga alapaap!

Iba ang kaluluwa,sa puso,sa isip at katawan.
Huwag ninyong nilalansing ating mga mamayan,
Tila kayo ahas na luminlang kay Eba at Adan.
Respeto sa malayang pagpili,respeto inyo rin makakamtan!

Maralita

Sumisipol sa gutom ng katawan,
dinidighay ay kaluluwa sapagkat walang laman.
Mga mata ay nakapako sa kawalan.
Lumilipas ang araw at gabi walang pagkaing natikman.

Ganyan kaming mga anak maralita.
Sa tanikala ng kahirapan kami ay hindi makawala.
Hindi taglay kailangan na sandata.
Sapagkat kami ay salat, kahit edukasyon sa ami'y wala.

Paraiso'y tagpingtagping dingding.
Mga yero ay butas, mga gulong lamang ang tumatabing.
Nakatayo sa esterong madilim.
Sa may ilalim ng tulay mga ipis at daga ang silang kapiling.

DAMASO

Bunganga ay bumubula sa pagmamalabis.
Nilalason ang utak ng mga pangaral na panis.
Sadyang makapal lang ang mukha at manhid.
Pinipilit mga aral mong linalangaw at iniipis!

Doon ka nababagay sa mundo ng kawalan,
kapiling ng mga serpyente't nilalang na bulaan.
Lamunin mo mga kawikaan mo ng panlilinlang.
Baunin mo hanggang sa huli mong hantungan!

Sanayin mo na ang sarili sa paglangoy,
sa kumukulong asupre at dagat ng apoy;
sapagkat marami kang binalahura't binaboy.
Sanayin mo nang kantahin mga awit ng panaghoy!

Kaawa awa ka kung matinding lilimiin.
Ito ang resulta ng iyong baluktot na pagmamagaling.
Habang may hininga kapang angkin,
subukan mong magbago dakilang taksil!

Punyagi

Walang bagay na hindi magagawa,
lakipan lamang ng tiyaga at tiwala.
Sa buhay huwag dagliang manawa.
Padaluyin sa katauhan ang pag-asa.

Kung lugmok sa putik ng kabiguan.
May panahon din na mahuhugasan,
nang tubig ng tagumpay at kasaganaan.
Basta huwag titigil sa pakikipaglaban.

Puno ng pakikipagsapalaran ang mundo,
Dito nililinang at unti-unting binubuo.
Isang laksang dagok man ang matamo,
Tanggapin lamang at huwag susuko.

Ang tagumpay ang nasa kamay.
Puso,isip at kaluluwa ang nakaalalay.
Magiging sagana't payapa ang buhay,
Magpunyagi't pag-asa'y di dapat mamatay.

Pag-ibig

Ang pag-ibig ay parang tao rin sa sukat.
Minsan mayaman, minsan nama'y salat.
Tila rin mga iba't ibang uri ng bulaklak,
iba ay bubot iba'y tuluyang namukadkad.

Ang pag-ibig ay parang tubig din sa dagat.
Minsan ay lumulubog minsan ay umaangat.
Parang pagluluto rin ni inang matapat,
minsan ay matabang minsan nama'y maalat.

Ang pag-ibig ay parang pangarap,
ang iba ay nawaglit iba nama'y natupad.
Ang pag-ibig ay parang baon na bigay ni erpat,
minsan ay kulang minsan nama'y sapat.

Ang pag-ibig ay parang sapatos at bag,
ang iba ay orig ang iba naman ay huwad.
Ang pag-ibig ay parang fairy tale na sinasaad,
iba ay happy ending iba naman ay sad.

Ang pagi-ibig ay para ring paglipad,
malayang lumilipad sa malawak na ulap.
Bumagsak man at mabali yaring mga pakpak.
Hindi bale na naranasan namang lumipad.

Rebulusyong Masa

Hindi ninyo mapipigilan ang aming pwersa,
upang bansang salat ay magkaroon ng reporma.
Bayang namumutaktik ng mga buwaya,
kayong kumakatay sa aming mga masa!

Nagtanim kayo ng binhi ng pagiging ganid.
Aani kayo ng poot at matinding paglupig.
Aming mga kaluluwa, puso, kamao at isip,
nagbabaga dahil sa apoy ng galit!

Sawa na kami sa pagiging tahimik.
Handa nang alisin piring sa mata't busal ng bibig.
Handa nang wasakin tanikala ng pagmamalabis,
itong aming bayan ginagatasan nyong pilit.

Kayo dapat ang patungan ng koronang tinik.
Hagupitin at ipako sa krus ng patiwarik!

Tuliro

Saan ba ako nararapat?
Sa mundong parisukat,
o sa piling ng paglalayag?
Ako ay nalilito, naghahanap.
Kasagutan ay aking hangad.

Mananatili ba sa paggamit ng yeso?
Sa timtimang pagtuturo,
at pagtatala ng mga grado.
O sa paghubog ng manlalaro?
Ama tulungan mo po ako!

Magtitiyaga ba sa pakikisalamuha?
Sa mga iba't ibang uri ng mukha.
Patuloy ba magsusuot ng maskara?
Damdamin na aking dinadala.
Pinepeke pagsapit ng umaga!

Nawa ay aking matanto,
ang dapat na lugar na kalagyan ko.
Magagapos ako sa pagkalito,
kapag kasaguta'y di matamo.
Ama tulungan mo po ako!

Thursday, April 25, 2013

Hapis

Mga luha ay pumapatak na naman, 
umaagos hanggang sa baston kong tangan.
Piping saksi itong aking inuupuan,
sa aking mga pighati at kalungkutan.

Kung maibabalik ko lamang ang panaho't oras,
Itutuwid ko mga kamaliang ipinamalas.
Disin sana litanya ng pagsisisi ang aking binibigkas,
kung tamang daan ang aking nilandas.

Ngayon ay malapit na sa akin ang takipsilim,
kaluluwa ay lipos pa rin ng panimdim.
katauha'y patuloy na hinihiwa ng talim,
talim ng kabalintunaan at dilim.

Sa pag-agos ng luha ng pagtangis,
itong pagkatao ay nalugmok ng labis-labis.
Kaawaa't patawarin yaring kaluluwang nalihis.
Ama nawa'y iyong ibsan itong aking mga hapis.

Awit ng paslit

Ang munting paslit ay nakatingla sa langit,
minamasdan mga butuin na nakaukit.
Mga bulong ng pangarap kanyang sinasambit,
umaalingawngaw sa kalawakan ng paulit-ulit.

Umaawit sa hangin ng awit ng pag-asa,
Idinuduyan ang pagkatao at yaring kaluluwa.
Umaawit ng may pagpapakumbaba,
Hinaharana Amang may likha ng langit at lupa.

Kalooban ng dunong ang salat na diwa,
Hubugin ang pagkatao sa sipag at tiyaga.
Iniluwal man sa mundo na anak maralita,
daratal ang panahon buhay di'y magiging mariwasa.

Sandatang hawak ay piko sa pagbungkal ng lupa,
lapis at kwaderno naman sa eskwela.
Lahat ng sakripisyo ay handang isagawa,
upang itong hiram na buhay ay di mapariwara.







Tuesday, April 16, 2013

Alipin sa sariling bayan?

Ano ang nangyari sa aking Inang Pilipinas?
Kalayaang kanyang inaasam kailan kaya matutupad?
Dati-rati siya ay sinasakop ng sapilitan.
Ngayon ay binibili, mga lupa niyang nasasakupan.

Mahirap malirip ang mapaklang katotohanan,
na dati ang ating lahi ay nagiging alipin lamang sa ibang bayan.
Subalit ngayon tila yatang tayo ay magiging alipin sa sarili na nating tinubuan.
Mga sakahan natin at luntiang mga parang.
Binibili na ng mga mapag-imbot na mga dayuhan.
Ano na ang ating ipamamana sa ating mga anak at kaapuapuhan?
Kung ating mga lupa'y nginangatngat ng salapi at kayamanan!

Kay tamis apuhapin,na ang binunungkal mo ay iyong saring taniman,
na ang makikinabang ay ang iyong pamilya at buong sambayanan.
Subalit magiging bangungut yata ang lahat.
Kapag nabili na ng mga dayuhan ang lupang pinagbuhisan mo ng pawis, dugo't kahirapan.
Hindi pa huli ang lahat mga kababayan.
Tayo ay manindigan sa iisang laban.
Ating ipagsanggalang ang handog sa atin ng Diyos na kalupaan.

Huwag nating hayaan ang ating Inang Pilipinas,
ay maging pag-aari muli ng mga dayuhan!
Tayo ay manindigan sa iisang laban.
Tayo ay huwag maging alipin sa sariling bayan!

Ang pagyuko ng bayan kong mahal

Lumuhod ka na Pilipinas kong mahal,
sa Amang lumikha ng lahat.
Upang kaluwalhatian,
ay muling matikman.

Aangat kang muli!
At ang tagumpay ay makakamtam!
Iwaksi mo na ang lahat ng kamalian,
na nagbaon sa iyo sa hukay.

Abutin mo ang mga kamay,
ng Poong Maykapal.
Ikaw ay kanyang hahanguin,
sa kinasadlakan mong kahirapan!

Muli mong ipagkatiwala ang iyong buhay,
sa Diyos na makapangyarihan.
Ikaw ay kanyang pagkakalooban,
ng matiwasay na pamumuhay.

Siya ang magtitimon ng iyong bangka!
Bangka ng kinabukasan.




Monday, April 15, 2013

Pluma

May isang kasabihan na naglalakandiwa,
na ang pluma'y mas matalas pa kaysa sa espada.
Hindi man makakitil ng isang katawang lupa,
subalit kayang puksain mapag-imbabaw na kaluluwa,
at gisingin mga nahihimbing na diwa.

Pluma ang ginamit ng ilang mga bayani,
nang pag-alabin ang katotohana't kamalia'y iwaksi!
Ginamit na sandata sa paraang katangi-tangi,
upang nagbubulagbulagang Pilipino ay makakita,
at makaulinig yaong mga nagpapakabingi!

Sa pananampalataya'y dapat rin na maapuhap.
Diyos Ama ang magsisilbing dakilang manunulat.
Tayo ang plumang gamit sa kanyang pagsulat,
sa bawat pahina ng libro nitong Inang Bayang salat!
Babaguhin ang mapait Niyang kasaysayang nailimbag.

Iguguhit ang panibagong kinabukasan.
Ibabalik ang glorya ng Kanyang pangalan.
Muling itatayo't titiyakin na hindi mayuyurakan,
anking Niyang karikitan at kanyang dangal;
na nalugmok sa kumunoy ng kaabahan.

Kaya't dapat limiin at ganap na matanto,
ang wagas na kahulugan ng plumang ito.
Plumang maghahatid ng makadiyos na pagbabago.
Ang pluma ay Ako, Ikaw, Siya, Tayo!
Ang pluma, ay ang makabagong kabataang Pilipino!

PILIPINAS ( Isang kaluluwang ligaw )

Naglaho na ang glorya na iyong angkin,
sinaid ng siphayo, pagdurusa't panimdim.
Sa kuko ng kahirapan, ikaw ay napailalim.
Sugatan ang iyong puso, handa ka ng ilibing.

Katawan mo ay inuuod ng mga kasakiman.
Mag-isa ka sa hukay wala man lamang nakiramay.
Noon nga na ikaw ay malakas pa at buhay,
wala kang pakundangan na babuyi't pahirapan.

Ang nais mong kalayaan inukit lang sa libro.
Isinusuot ang maskara tuwing sasapit ang Hunyo,
subalit ang lahat ay isa lamang pagbabalatkayo.
Hindi ka nakahulagpos sa pangil ng pagkabigo.

Iyong mga anak ang sila sa'yo ay nagmalupit.
Hindi ka nila inaruga, hindi ka nila inibig.
Inuna ang sarili at isinarado kanilang pandinig;
sa mga impit mong panaghoy walang nakaulinig.

Inang bayan tuluyan ka nang naligaw,
walang kaulayaw sa malamig mong himlayan.

Tanglaw (Buwang marikit)

Ikaw mahal ay sadyang marikit,
pati mga nilalang sa karagatan iyong naakit.
Sa kulay mong manilawnilaw at bilog na hugis;
gabay ka ng maglalayag, tagahila ng tubig.

Ikaw ang nagsisilbing tanglaw sa gitna ng dilim,
kapiling ng mga bituing nagniningning.
Naglalaho sa puso ko ang panimdim;
kapag sa'yo irog ay napatingin.

Ikaw ang bantay ko sa magdamag,
balutin mo ako ng alab ng iyong yakap.
Mga bagay na hindi ko kailan man nalasap;
sa mga taong araw-araw na aking kadaumpalad.

Inugoy mo ang aking puso sa tuwa,
dulot mo sa akin ay kakaibang sigla.
Tumitig lang sa anking mong misteryosang ganda;
kaluluwa ay nasisilaw aking sinisintang ada.

Sa ulap ako ay totohanang naiinggit,
sapagkat ikaw ay kapiling niya sa malawak na langit.
Kaya sa maykapal aking sinasambit;
mahagkan ka lamang kahit isang saglit!

Awit ng lupa

Tigang na lupa'y biglang nasakal.
nagpuputik kanyang kandungan.
Sumisisid sa buto at sa mga laman.
isang libong sundalong mga ulan.

Sapat na patak kanyang dalangin,
subalit delubyo ang dumating.
Nilubog ng tubig kanyang paningin.
Mga halamang nakakapit,nalibing.

Sumabay sa daloy ng ulan ang luha,
ng mga taong nawalan ng kapamilya.
Kanilang panaghoy nauulinigan niya.
mga sigaw ng pait at pagdurusa.

Kapag naglaho, malupit na sigwa.
Lupa't mga bangkay ay nagsasama.
Yinayapos ng lupa ang katawang lupa.
Habang ang mga naulila ay patuloy
ang buhos ng luha sa mga mata!

Sino ako?

Sino ako?

Ako ang pag-asa ng bagong umaga,
nagliliwanag sumisikat;
sila ay nag-aabang.
Ako ang nilalang na may anking kabanalan,
ang bawat salitang namumutawi sa aking labi ay banal.

Ako ang sugo,
makinig sa akin;
sa piling ko ay kaligtasang walang kahambing.

Sino ako?

Ako ba ang sugo?
O ako ang kaligtasan ng umaga?
Ako ba ang nilalang na umaapaw ang kabanalan?

Ako ang pag-asa.
Ang pag-asa ay ako.
Ako ang umaga.
Sino ako?

Sino ako?


Ako ang diyos ng aking daigdig,
makapangyarihan at naglalakandiwa;
talos ng lahat.
Ako ang kaban ng kaalaman at karunungan,
ang bawat pagpihit ng oras ay nasa aking mga kamay.

Ako ang diyos,
panginoon ng lahat;
sa akin ang mundo't sangkatauhan.

Sino ako?

Ako ba ang diyos?
O ako ang daigdig ng lahat?
Ako ba ang oras na naglalakandiwa't makapangyarihan?
Ako ba ang karunungan?
Ang diyos ay ako.
Ako ang diyos.
Ako ang mundo.
Sino ako?

Ikaw, Kabataan, Laban!

Ikaw ang magsilbing sagwan sa bangka ng tagumpay.
Ang kinabukasan ng bansa'y iukit mo sa iyong mga kamay.
Iyong ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Ikaw ang maging tanglaw,sa dilim ng kahirapan.
Lagutin mo ang tanikala ng takot at pag-aalinlangan.
Iyong ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Lumipad kang parang ibon,sa himpapawid ng pagsubok.
Suungin mo ng buong lakas loob ang hangin ng pagdarahop.
Sa langit ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Magsilbi ka nawang ningas,sa apoy ng katapatan.
Magpatuloy ka sa paglagablab tulad ng haring-araw.
Sa init ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Ikaw ang magsilbing gabay,sa landas ng katuwiran.
Idako mo ang kanilang mga paa sa daan ng kaluwalhatian.
Sa paglalakbay ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Sa huli, Ikaw ay maging ikaw!
Nawa ang iyong sarili ay huwag iligaw.
Ipatanto sa kanilang mga pananaw.Kabataan ang yaring pag-asa ng Inang Bayan.
Sabay-sabay ipagsigawan ng walang humpay.
Panahon na!Kabataan.
Kabataan, Laban!

Awit ng hindi umiinom ng serbesa at alak

Ako ay nasisilaw sa kanilang mga halakhak,
na tila di mauubos abutin man ng magdamag.
Kanilang kaulayaw sigarilyo, serbesa at alak,
samantala aking tiyan sa tubig ay binubundat.

Aking ninalantakan ang kanilang mga pulutan.
Habang sila ay umiindayog sa musika ng tagayan.
Samut-saring kwento kanilang pinag-uusapan,
di alintana malalim na ang gabi't matayog na ang buwan.

Madalas nila akong hamunin ng isang tagay,
subalit kasing bilis ng kidlat aking pagsaway.
Wala na silang magawa kundi ako ay lagpasan.
Ang iba ay nakakaintindi, iba naman ako'y kakantiyawan.

Aking depensa, ako ay pumunta para hindi sa alak.
Ako ay naparito upang makasalamuha kayo lahat.
Maubos man ang oras sa estilo ng buhay na di kinamulatan,
makapiling lang kayo ay sapat na mga mahal kong kaibigan.

Hindi man ako tinamaan ng nakakalasing na espiritu,
sa espritu ng kaligayan ay nagpakabangag ako.
Kung meron man na mawalan ng ulirat sa mga kaibigan ko.;
ako ang magsisilbing paa't mata sa kanilang lasing na mundo!

Cubao

Ang lansangan mo ay paraiso ng mga ligaw na kabataan,
ikaw ang kumukupkop sa kanila sa mahangas mong paraan.
Kunwari ay nagsisilbi kang isang mapagmahal at tapat na magulang;
subalit ang katotohanan ay isa-isa mo silang hinahalay.

Sa pagsabog ng umaga ay tila hari kang namamayagpag,
subalit ang nasasakupan mo'y nakabaon sa kumunoy ng hirap.
Sa pagdatal nang gabi'y ipinagmamayabang mo ang kislap ng iyong mga ilaw;
na siyang nagsisilbing bulag na saksi sa kaharasan sa gitna ng kadiliman.

Ikaw na ang magaling, ikaw na ang makapangyarihan.
Ipinagmamalaki mo ang mga gusali mong nagtatayugan.
Sumasaiyo ang Q-mart, Araneta Center at Ali Mall na bulaan;
na ang mga parokyano mo ay mga adik sa rugby na nakakaparam.

Ang pusod ng kaharian mo ay pagkatuliro at ang palasyo mo ay pagkaligaw;
na ang mga tapat mong lingkod ay mga holdaper, snatcher at saka magnanakaw.
O, hanggan kailan mo itatago ang baho mong umaalingasaw?
Hanggang sa katapusan ba ng mundo o sa muling paggunaw?

Ang pag-unlad at pagsikat mo ay sadyang napakabilis,
kahalintulad ng pampasaherong MRT na humahagibis.
Mga lulan na masa sa kapahamakan ay nakabulid,
dahil sa mga diyablong terorista na lagim ang pinapalawig.

Paano mo sila ipagtatanggol o Cubao na maalam?
Kung ang mga kawal mo'y naghihilik pa sa kanilang himlayan.
Iyo lamang ba silang pagmamasdan sa mapaklang reyalidad?
Sa piling ng mga serpyente't mga hangal na balasubas.

Minsan naman ang hatid mo sa madla ay kagalakan,
dahil sa murang bilihin sa mga bangketa ng Aurora Boulevard.
Ngunit lingid sa iyong kaalaman o mahal na Cubao;
mga tao mo ay gumon sa mga babasahin at panoorin na ang kaluluwa'y kalaswaan.

Pamosong puntahan ng mga dayo ang SM Cubao at Farmers Plaza,
ng mga nilalang na gastador at bulagsak sa pera.
Imbis na pangkain ay ipangsha-shopping pa nila;
kaya kinabukasan ay taggutom at tirik ang mata.

O, haring Cubao saan ka nga ba nagkulang?
Isa ka pa namang mapag-aruga at tunay na mapagmahal.
Bakit nagkaligawligaw ang landas ng iyong mga anak?
O, bakit tila yatang sa putikan ikaw ay nasadlak.

Mga kaibigan kong hirang walang kalabaw sa Cubao;
mga kaibigan kong mahal ang Cubao ang kalabaw!



Pananawagan

Inang Bayan winasak ang iyong kabilang mukha,
ng bagyong ondoy na sadyang mapanalanta.
Ikaw ay nilunod ng rumaragasang baha;
inilibing sa banlik ng pagdurusa.

Lubhang naapektuhan kaming iyong mga anak.
Ang iba sa amin ay nakitil ang buhay,
ang iba'y sa dalamhati ay nasadlak.

Marami ang nawalan ng tahanan.
Ang iba naman ay kanilang kabuhayan.
Subalit mas mapait dahil sa delubyong ito'y
ibang anak mo'y nawalan ng kinabukasan!

Inang Bayan hindi ka nagkulang.
Sa pagkupkop sa amin at pagsasanggalang.
Mahirap lang talagang mapigilan;
ang matinding paniningil ni Inang kalikasan.

Subalit lirip ko sa kabila nitong pagkasadlak.
Babangon kang muli sa putikan ng hirap.
Kasama mong tatayo kaming iyong mga anak.
Sabay-sabay nating haharapin ang bagong liwanag.

Isang alingawngaw ng bala

Isang alingawngaw ng bala.
Balang tingga na nakapagbago sa kapalaran ng mga Pilipino,
mga Pilipinong ilinugmok sa kumunoy;
sa putikan ng pagkabalo't pagkaalipin.
Kasawiang kumintal sa puso umukit sa buto;
damdaming dinurog ng kamalayang nagmamalabis.

Sa isang alingawngaw ng bala!

Sa isang alingawngaw ng bala.
Umusbong ang pananaw at adhikain ng mga Pilipino,
na tumalilis sa kamay na bakal;
sa kandungan ng mga dayuhang mapagsamantala't palamara.
Sa kanlungan ng Espanyang mapagimbabaw;
may lahing buwaya't mga hayok sa grasya.

Sa isang alingawngaw ng bala!

Sa isang alingawngaw ng bala.
Naglakandiwa ang katapangan ng mga Pilipino,
upang wakasan ang namamayagpag na kasawian;
kasawiang nginatngat ang karapatan na maging malaya.
Isinulong ang reporma ng pagbabalat at pagbabago,
upang makamtan ang minsang ipinagkait na kalayaan.

Sa isang alingawngaw ng bala!

Sa isang alingawngaw ng bala.
Nalagot ang hininga ng ating mga magigiting na kalahi,
mga katotong ilinaan ang buhay para sa ating mga kalipi.
Kaliping nagliwanag ang pangarap na makalasap ng bagong umaga.
Dahil sa kanilang ulirang pakikipaglaban,
tayong lahat ngayon ay namumuhay sa matamis na kalayaan.

Sa isang alingawngaw ng bala!

Noon at Ngayon

Dati-rati ang bayan ko ay tinitingala,
dito sa Asya, sa Europa at ibang mga bansa.
Walang mapagsidlan kanilang paghanga,
sukdulan ang pagrespetong kanilang ipinapakita.
Sa ating katapangan at talino sila ay namangha.

Subalit ngayon ang bayan ko ay binabalahura,
dito sa Asya, sa Europa at ibang mga bansa.
Walang pagsidlan kanilang pang-aalipusta,
sukdulan ang pagkamuhing kanilang ipinapakita.
Sa ating katapangan at talino sila ay nagdududa.

Dati-rati ang bansa'y kanlungan ng mga bayani,
mga kaluluwang lipos ng pagmamahal sa ating lipi.
Sagad sa buto ang kanilang pagtangi,
sa ating Inang Bayan at sa ating lahi.
Ang kanilang pagnanasang pagbabago ay sadyang masidhi.

Subalit ngayon ang bansa'y kanlungan ng mga pulitikong walang silbi,
mga kaluluwang lipos ang pasakit sa ating lipi.
Sagad sa buto ang kanilang pagmimithi,
sa ating mga lupa at sa ating mga salapi.
Ang kanilang pagnanasang mangamkan ay sadyang masidhi.

Dati-rati tayong mga Pilipino'y nakikipagsabayan,
sa iba't ibang larangan tayo'y hindi mauungusan.
Laging nangunguna ating mga pamantasan,
ang kalidad ng edukasyon ay hindi mapapantayan.
Kaya lubos na nahalinang magsipag-aral dito ang mga dayuhan.

Subalit ngayon tayong mga Pilipino'y wala ng laban,
sa iba't ibang larangan tayo ay napag-iiwanan.
Laging kulelat ating mga pamantasan,
ang kalidad ng edukasyon ay hindi nadadagdagan.
Kaya lubos na tayo ay pinagtatawanan ng mga dayuhan.

Kailan kaya magiging noon ang ngayon?
Bakit kay sarap balikan ang mga bakas ng kahapon?
At bakit kay hirap suungin ang mapaglarong ngayon?

Mukha ni Inang Bayan

Pilipinas kong mahal dangal mo ay dinungisan,
ng mga namumunong puro kabuktutan ang alam.
Kanila kang pinahihirapan at linalapastangan.
Ipinagkakait Sa'yo ang kalayaan,
ng mga ganid at hayok sa kapangyarihan!

Mga aba mong anak sa kahirapan nasadlak.
Tila walang katapusan at wala ding lunas.
Punyal ng kabiguan unti-unti, sa puso mo ay itinatarak.
Hanggang ang glorya moy gumuho,
tuluyan kang bumagsak sa putik ng pagkawasak!

Tinigang ang mga lupa mo sa kanilang pagnanakaw.
Wala silang inisip kundi sarili nilang kapakanan.
Wala silang pakialam kahit ikaw ay maparam.
Basta sila ay magkamal,
ng limpak-limpak na salapi at kayamanan.

Hindi pa nakuntento sa ibang bansa, ikaw ay binugaw pa.
Sa mga ilan mong binhi sa lupa ng dayuhan naaalila.
Ginagawa nila ito upang tulungan naghihingalo mong ekonomiya.
Subalit lahat ng pinaghirapan,
ay nawalan ng kwenta sapagkat linulustay lamang nila!

Alam kong pagod ka na Bayan kong maalam.
Subalit hindi mo sinusuko ang mga anak mong mahal.
Magdanas ka man ng matinding paghihirap.
Hindi ka manlulumo,
Sapagkat talos mong may Diyos na Sa'yo ay mag-aangat!

Ang hiram kong buhay

Ang aking damdamin ay naglalayag,
sa ilog ng pighati at paghihirap.
Buhay ko'y pulos kabiguan ang nalalasap;
ang nakapasan sa akin ay kay hirap matibag.

Ako ba ay sadyang pinagkaitan ng saya?
Nasaan na ang matatamis na alaala?
Lahat ng maligayang sandali ay tinangay na,
ng hangin ng siphayo at pagdurusa.

Buhay kong hiram ay walang kalayaan,
bilanggo sa rehas ng panlilinlang.
Hindi na makahulagpos sa lubid ng agam-agam;
na matindi ang pagkatali sa aking katawan.

Agos ng tuwa sa pagkatao ko'y natuyo.
Tila tigang na lupa na uhaw sa pagsuyo.
Kailan papatak ang ulan sa mundo ko?
Ulan ng pag-asa na walang paninibugho.

Maligalig itong aking buhay,
salat sa pag-unawa at pagmamahal.
Kay hirap talagang sa isipan ikintal,
na wala ng nalalabing liwanag sa aking buhay.

Kaya sa poong maykapal aking idinarasal.
Pawiin na ang hirap, ang kaluwalhatian ay ipataw.
Ipadama sa akin ang busilak na pagmamahal;
na di ko natikman sa mundong ibabaw.

Awit kay Ka Amado

Ikaw ang naging tanglaw sa aking mga panulat.
Sa Iyong kadakilaan nag-ugat ang lahat.
Galing at talino mo na kaloob ng maykapal.
Inilibot ang abang katulad ko sa mundo ng panitikan.

Salamat sa pagmulat nitong aking mga mata.
Ikaw ang yaong gumising sa nahihimbing kong diwa.
Binuksan mo ang aking puso ng aking maalintana,
na maari din akong maging tulad mo sa sarili kong obra.

Respeto at paghanga ko'y sukdulan hanggang langit.
Kaya't aking handog tula kong mayroong pintig.
Kung lilimiin at isasadibdib, tila isang awit sa pandinig;
awit ng mga anghel sa kalangitan na kumakalma sa pusong ligalig.

O, Ka Amado patuloy kang mamuhay sa aking puso.
Sa aking mga ugat ay dumaloy ang dugo ng kabayanihan mo.
Ipagkaloob sa akin mga natatanging pananaw mo,
ng aking masuong yaring dumidilim na mundo!

Kabataan Laban! Panahon ng dakilang laban

Kabataang Pilipino bumangon na sa himlayan,
sa pagkahimbing sa duyan ng karukhaan.
Ito na ang panahon na dapat patunayan,
na ikaw ang pag-asa nitong sawing bayan.

Ito na ang oras ng dakilang pakikipaglaban.
Tuluyan nang nalagot ang lubid ng paghihintay.
Handa mo na muling matikman,
ang walang kasing tamis na tagumpay.

Galing at talino ang iyong sandata.
Gabay ng Diyos gawing baluti at panangga.
Puksain ang delubyo ng pagkaaba,
at wasakin ang tanikala ng pagkatimawa!

Itarak ang punyal ng tunay na pagbabago,
sa puso ng naligaw na gobyerno.
Iyong iukit sa kanyang mga buto.
Tuluyang reporma at pag-asenso.

Ikaw ang kawal ng bayang api.
Ikaw ang tagapagtanggol ng dakilang lipi.
Iangat sa sansinukob itong ating lahi,
ng walang pag-iimbot at walang pagtanggi!

Baliktanaw

Dati sa damo nagsasayawan,
naglalaro sa mga puno ng bakawan.
Nagtatampisaw sa palaisdaan,
nanghuhuli ng tutubi sa kaparangan.

Dati kumpleto ang munting tahanan,
Magkakapatid, haligi't ilaw ng tahanan.
Sama-samang dumudulog sa hapunan,
pagkatapos naroon ang suyuan.

Dati kalaro ang mga mahal na kababata,
pag-usad ng oras hindi alintana.
Nagpapakabusog sa kakaibang tuwa.
Panalangin sa maykapal huwag sanang mawala.

Ngayon ay nakikipagsapalaran,
sa lugar na ang mga gusali'y nagtataasan.
Mga sasakyan ay nagliliparan,
at mga ilaw ay nagkikislapan.


Ngayon iba't ibang tao ang kasalamuha.
Pag-aalinlangan hindi mawawala.
Kailangan magbanat ng buto, gumawa.
Nananalangin sa maykapal sana makayanan pa!

Ngayon ay nilisan ang tahana't bayan,
upang pamilya may maihain sa hapagkainan.
Nag-iisa sa mundo ng nyebe, buhanginan;
yinayakap ang matinding kalungkutan.

Kaibigan

Maganda ang umaga ,
kaya ipinagtaka mo.
Ang lahat ay tahimik,
kahit na saglit.
Sumapit ang dapit hapon,
at nakita mo.
kadiliman ay binalot ang mundo,
ikaw ay nangamba.


Huwag ng mag-alala.
Heto na, nandito na.
Kaibigan mo, kaibigan mo.
Kaibigan, kaibigan.
Kaibigang totoo, umiintindi.
Asahan mong naghihintay
lamang sa tawag mo!

Sa dami ng problema,
nais mo ng sumuko.
Ang lahat ng pasanin ay maiibsan,
kakalingain ka ng mga palad ko.
Handa ako aking giliw,
saluhin ang mga luha mo.
Ganyan ka kahalaga,
mahal na kaibigan ko.

Lumagpak ka man,
ikaw ay aking itatayo.
Ikaw ay aking aalalayan,
kung kailangang pangkuhin ay gagawin ko.
Paghihilumin ang mga sugat,
na iyong natamo;
na idinulot sa’yo
ng mapaglarong mundo.

Magsasaka

Ginintuan ang kanilang puso, tulad ng sa palay.
Silang mga nagdudugtong sa ating buhay.
Pagbubungkal ng tigang na lupang taniman,
ang kanilang talos na ikinabubuhay.
Sandata nila ay araro at matikas na kalabaw.

Hind nila alintana,walang sukdulang paghihirap.
Matungkab man ang palad at magkasugat.
Manakit man ang kasukasuan at magkalagnat.
Mabilad man sa init, malapnos man ang balat.
Lahat ay titiisin, may mahain lamang tayo sa hapag.

Karamihan ay aba, yan ang mapait na reyalidad.
Silang mga nilalang na sa yaman ay salat.
Kaya katoto nais ko Sa'yo na ipamulat.
Hindi habag natin ang kanilang hinahangad;
kundi ang respeto, na sa kanila ay nararapat!


Sapat na ulan at init kanilang yaong inaasahan.
Hindi bagyo, matinding sigwada o amihan;
na dulot ay baha na sumasalanta sa mga taniman.
Lahat ay maglalaho, kanilang pinaghirapan.
Tinangay sa paraiso ng kawalan ni Inang kalikasan!

Sa gitna ng unos hindi nawawalan ng pag-asa,
sapagkat batid nilang may panibagong umaga.
Kalakasan ng loob pinagiigting nila at
pagtitiwala sa Diyos na may likha ng langit at lupa.
Sa pagkasadlak sa putik, muling ibabangon sila!

Awit kay Misyel

Pag-irog ko ay kasing tatag ng kabundukan.
Kasing dalisay ng tubig sa may batisan.
Kasing lalim ng ilang libong karagatan.
Kasing ningning ng mga bituin sa kalangitan.


Pagsinta ko ay walang kawangis, katulad.
Hindi mapapantayan ng mamahaling hiyas.
Kung ikaw man ay mangyaring mabulag,
handang ipagkaloob mga mata ko sa'yo dilag.


Ikaw ay iduduyan sa mahihigpit na yapos,
mawawala ang pagkabalisa, ang pagkatakot.
Sa dibdib ko dumantay tuluyang matulog,
ako'y bantay mo sa magdamag na walang pagiimbot.


Pag-ibig ko sa'yo sukdulan hanggang langit.
Kahit kailan hinding-hindi ka ipagpapalit.
Sa aking puso't isip alaala mo'y nakaukit.
Ikaw pa rin ang iibigin buhay man ay maulit.


Maglaho man ginagalawan nating daigdig,
hindi magmamaliw aking wagas ng pag-ibig.
Ito ay aking babaunin hanggang libing.
Doon sa dako paroon ikaw ang nais makapiling.

Friday, April 12, 2013

Refrain

At the end of the road there is a light,
covering the innermost feeling so tight.
Unlocking the mystery of this awful night;
let the wings shine, strengthened with all might.

The soul is lost in the middle of nowhere,
unleashing the sense and the mind power.
Kissing the wind that belongs to father,
Scattered memories are painted everywhere.

The face of reality is continuously fading out,
personality is chained with lust and doubt.
Slowly dying and embracing the drought,
awakened by a powerful and glorious shout.

Wednesday, April 10, 2013

p I Ii PI na S

Kwartong puno ng ipis,
pilit inaabot ang langit.
Pinapagaspas pakpak na maliit,
maabot ang gloryang kaakit akit.

Sa dumi namulat,
sa dumi nararatay.
Nagsasawa na sa nakakasulasok,
kaawa awang kalagayan!

Sagot malayo,
agarang paglipad.
Kahit ang panganib ay nakaamba,
sa kanyang paghahangad.

Kapag sinubukang muling lumakad,
kundi aapakan,
tiyak mayroon na hahampas;
lilitaw bitukang salat!

Saturday, April 6, 2013

BULACAN

Lalawigang pinagpala ng mahabaging langit.
Anyo mo'y dugo ng mga bayani ang umukit.
Sa ano mang larangan hindi ka palulupig.
Karikitan mo'y walang kupas at walang kawangis!

Ang yaman ng nakaraan mo'y hindi mapapantayan.
Kasaysayang nagsilbing tanglaw nitong Inang Bayan.
Unang Republika sa sinapupunan mo iniluwal.
Ikaw ay naging salamin sa mukha ng kalayaan.

Ang bawat lupain mo ay dinilig ng pag-asa.
Ang mga bayan mo'y namulaklak ng ligaya.
Sa piling mo sinta'y wala ng hahanapin pa.
Nais kang makadaumpalad sa lamig ng gabi, at init ng umaga.

Ikaw ang humubog sa mga dakila mong anak,
na kahit san lupalop ng mundo ay umaangat.
Angking talino at husay Sa'yo minana lahat.
Kaming mga binhi mo ay sadyang mapapalad.

Hindi man kita kapiling irog kong lalawigan,
ngunit sa puso at isip, doon ikaw ay nakakintal.
Alaala ng yapos mo't paglinang sa aming kabataan.
Aking pasasalamatan habang may hiningang tinataglay!